
CAUAYAN CITY – Tiniyak ng pamunuan ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang seryosong pagpapatupad sa internal cleansing kaugnay ng pagkakadakip ng ilang pulis na sangkot sa labag sa batas na gawain.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. James Cipriano, Provincial Director ng IPPO na ang pagkakadakip ng mga pulis na sangkot sa illegal na gawain ay bunga ng pinaigting na pagpapatupad sa internal cleansing na pangunahing programa ni PNP Chief Guillermo Eleazar.
Kinondena niya ang pagkakadakip ng isang pulIs sa isinagawang drug buy-bust operation sa Lunsod ng Santiago.
Ayon kay PCol Cipriano, mapapatawan ng parusa kung mapapatunayang nagkasala ang mga nadakip na sina PMSG Sherwin Gamit ng Cauayan City Police Station na pinaratangan ng pangingikil at PMSG Roel Gacutan ng Cordon Police Station na nadakip sa drug buy-bust operation sa Lunsod ng Santiago.
Ganito ang bahagi ng pahayag ni PCol James Cipriano.
Hiniling ni PCol Cipriano sa publiko na huwag lahatin ang mga pulis dahil mas marami pa rin sa kanilang hanay ang mahusay at tapat sa pagtupad sa kanlang tungkulin patunay ang mga natatanggap nilang parangal at pagkilala.
Gayunman, nagbabala siya sa mga pulis na sangkot sa illegal na gawain na matatanggal sila sa serbisyo.




