--Ads--

CAUAYAN CITY – Mariing kinondena ng pamunuan ng Isabela State University (ISU) system ang pamamaslang sa 2nd year BS Agriculture Student ng ISU Cabagan Campus sa Cabagan, Isabela.

Sa naging panayam ng  Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ricmar Aquino, presidente ng ISU system, sinabi niya na nakakalungkot ang nangyari sa isa nilang estudyante at hindi nila lubos maisip kung ano ang dahilan ng pagpatay sa kanya.

Umaasa sila na gumagawa na ng kaukulang hakbang ang pulisya para malutas at matukoy ang mga nasa likod ng pamamaril kay Anthony Camaggay, isang BS Agriculture Student ng ISU Cabagan Campus.

Matapos malaman ang pangyayari ay kinausap niya ang mga kasamahan sa ISU system at naghihintay ng magiging resulta sa imbestigasyon ng mga awtoridad.

--Ads--

Tinitignan na rin nila ang kaukulang tulong na maaaring maibigay ng unibersidad sa pamilya ng biktima maliban pa sa pinansyal na tulong.

Nanawagan siya sa lahat ng mga estudyante at faculty staff ng ISU Cabagan Campus na kung may alam, nakita o narinig ang pamamaril na lumantad upang mas mapabilis ang paglutas sa krimen at mapagbayaran ng salarin ang nagawang krimen.

Tinig ni Dr. Ricmar Aquino.

Matatandaang inutusan ang biktima upang magpa-photocopy ng death certificate ng namatay na tiyahin at nang pauwi na siya sa kanilang bahay sakay ng kanyang bisikleta ay pinagbabaril ng dalawang hindi pa nakikilalang pinaghihinalaan na lulan ng motorsiklo.

Ayon sa pamilya ng biktima, siya ay tahimik at walang ano mang bisyo kaya hindi nila alam kung ano ang naging motibo ng mga pinaghihinalaan sa pagpatay sa kanilang kaanak.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya nagtamo ng limang tama ng bala ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Ayon kay PMaj. Rodante Albano, hepe ng Cabagan Police Station, malaking tulong ang nakuhang footage ng CCTV sa pag-iimbestiga ng pulisya upang mahuli ang mga pinaghihinalaan.

Humingi na rin ng tulong ang Cabagan Police Station sa mga mamamayan na nakakita sa krimen o may alam na impormasyon tungkol sa pagpatay sa biktima na ipagbigay alam lamang sa kanilang himpilan upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Camaggay.