Tiniyak ng pamunuan ng Isabela State University na iimbestigahan at pananagutin kung sino ang nasa likod ng bomb threat sa Isabela State University Cauayan Campus.
Matatandaang kahapon ay binulabog ng isang bomb threat ang payapa sanang araw sa Isabela State University- Cauayan Campus.
Agad namang rumesponde ang PNP Cauayan, PNP K9 and EOD Unit para beripikahin ang ulat at suriin ang pasilidad ng Pmantasan, upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat ay pinalabas ang mga Guro at Estudyante.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Boyet Batang, Presidente ng ISU System, sinabi niya na kanilang ipapa-trace sa mga otoridad ang nagpadala ng email sa Publication ng ISU-Cauayan.
Upang maiwasan na ang ganitong pangyayari ay kailangan nilang paigtingin ang cybersecurity at maging ang security sa pagpasok ng mga faculty, staff at estudyante sa loob ng unibersidad.
Ayon kay Dr. Batang malaking perwisyo ito sa kanilang operasyon dahil sa pansamantalang naaantala ang kanilang gawain lalo na at examination week pa ngayon.
Dahil sa nasabing insidente ay mas hihigpitan na nila ang seguridad sa bawat gusali sa loob ng unibersidad tulad ng pagkakaroon ng mga detectors.











