--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinag-iingat ng NIA-MARIIS ang mga mamamayan malapit sa ilog Magat dahil magpapakawala ng tubig mula sa Magat Reservior mamayang alas dos ng hapon.

Sa inilabas na abiso ng NIA-MARIIS Dam and Reservoir Division, layunin ng pagpapalabas ng tubig mamayang hapon na mapanatili sa ligtas ang water level sa Dam.

Ang pagpapakawala ng tubig ay dahil sa malakas na weather system sa Magat Watershed na bunsod ng isolated thunderstorm na dala ng bagyong Agaton.

--Ads--

Dalawang daang metro kubiko bawat segundo ang pakakawalang tubig at ito ay maaaring madagdagan depende sa lakas ng ulan sa mga watershed areas.

Pinapayuhan ang publiko na iwasan ang pagtawid o pamamalagi sa tabi ng ilog dahil mapanganib.

Ang mga gamit at alagang hayop ay dalhin sa ligtas na lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Engr. Gileu Michael Dimoloy, acting department manager ng NIA-MARIIS na bagamat wala pa sa critical level ang Magat dam ay nag-abiso ang PAGASA na magbawas sila ng imbak na tubig dahil sa mga pag-ulan dulot ng bagyo.

Ang water elevation ng magat dam ay higit 190 meters, tatlong metro ang layo mula sa critcal level na 193 meters.

Nakatulong ang mga pag-ulan sa mga watershed areas para tumaas ang water level ng Magat dam na dati ay nasa 168 meters lamang.

Gayunman, kailangan nilang magbawas para hindi marating ang critical level dahil sa patuloy na pag-ulan.