--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinabulaanan ng pamunuan ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal Inc. o NVAT ang kumakalat na impormasyon na maraming Chinese National ang nagmamay-ari ng pwesto sa agri-terminal.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Gilbert Cumila, General Manager ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal Inc. o NVAT, sinabi niya na walang katotohanan ang impormasyon na karamihan sa retailers nila sa NVAT ay chinese national.

Aniya isa lamang ang alam niyang chinese na nagreretail ng sibuyas at bawang sa nasabing terminal at ang tindahan ay pagmamay-ari ng kanyang asawang Pilipina.

Nilinaw ni Ginoong Cumila na ang NVAT ay hindi lamang para sa mga lokal na gulay kundi may mga imported na nirerepack dito at pinapakalat sa Luzon.

--Ads--

Aniya hindi maiwasan ang imported na dumarating sa terminal lalo na kung nagkukulang na ng suplay ng ilang gulay o prutas tulad ng mansanas at grapes.

Tiniyak naman niyang legal ang dokumento ng mga dumadaang imported na gulay at prutas sa NVAT.

Tiniyak din niyang para sa Pilipino lamang ang mga pwesto sa NVAT dahil isa itong pribadong korporasyon na nakarehistro sa Securities and Exchange Commission o SEC.

Lahat ng 1,500 na stockholders, apatnaput apat na kooperatiba, at farmers association nito ay mga pilipino kaya walang dapat ikabahala ang publiko.

Aniya maaring gumagawa na lamang ng istorya ang nagpapakalat ng impormasyon dahil wala nang espasyo ang NVAT para sa mga bagong retailers o tenants.