Sa paggunita ng Undas, muling nasisilayan ang tradisyon ng Panag-apoy sa Sagada, Mountain Province, kung saan sinisindihan ng mga pamilya ang “saleng” o pine twigs sa mga puntod bilang paggunita sa mga yumao nilang kamag-anak.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Peter Apangcay ng Mountain Province Police Provincial Office, sinabi niya na ang Panag-apoy ay isang solemn ritual ng mga residente.
Karamihan ng dumadalo ay mga pamilya ng yumao, at hindi ito orihinal na nakalaan para sa mga turista. Gayunpaman, dumadagsa ang mga bisita upang masaksihan ang kakaibang tanawin ng sementeryo na may mga nagliliyab na apoy sa gabi.
Nagpaalala naman ang pulisya na ang ritwal ay isang private event at dapat igalang ng mga bumibisita.
Ipinabatid ng pulisya na mahigpit ang kanilang pagtutok sa bayan upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng mga bibisita sa sementeryo.
Nagsisimula ang Panag-apoy tuwing hapon ng Nobyembre 1, kasabay ng misa o blessing sa lokal na simbahan, at sinusundan ng pagpunta sa sementeryo at pagsindi ng saleng.
Ang Panag-apoy ay patuloy na nananatiling mahalagang bahagi ng kultura at pananampalataya ng mga taga-Sagada, na ipinapakita ang kanilang respeto sa mga yumao sa natatanging paraan.
Tiniyak naman ng pulisya ang mahigpit na pagbabantay mula sa mga kakalsadahan hanggang sa mga sementeryo ngayong Undas.











