CAUAYAN CITY- May anggulo nang sinisiyasat ang mga kasapi ng Benito Soliven Police Station ang pananaga sa isang magsasaka sa Barangay Andabuen, Benito Soliven, Isabela.
Ang biktima ay si Robert Carta, 48 anyos, may-asawa at residente ng Andabuen, Benito Soliven.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Inspector Joel Bumanglag, hepe ng Benito Soliven Police Station, sinabi niya na isa sa anggulong sinisiyasat nila ang kaugnayan ng isang lalaki sa naturang barangay na may kinakaharap na kahalintulad na kaso.
Hindi nila isinasantabi ang posibilidad na may dating nakaalitan ang biktima.
Aniya isa pang anggulo na tinitingnan ng pulisya ang politika, bagamat hindi pa naghahain ng kanyang Certificate of Candidacy, maaari umanong kumandidato ang biktima sa halalan sa Mayo.
May karanasan na siya sa pulitika at hindi rin umano siya basta-basta residente ng barangay.
Sa kabila ang mga tinitingnang anggulo, ayon sa pulisya, ang biktima lamang ang makapagbibigay ng impormasyon na makakatulong sa paglutas ng kaso.
Patuloy na nagpapagaling ang biktima at hirap pa siyang makausap.
Nilinaw din ni Senior inspector Bumanglag na hindi nasangkot sa anumang krimen ang biktima pangunahin sa Illegal na Droga.
Magugunitang pinagtataga ang biktima ng hindi nakilalang suspek sa pagtungo niya sa isang kasalan.




