CAUAYAN CITY – Naging viral sa social media ang video ng pagkompronta at pananampal ng isang tsuper ng tricycle sa isang Person With Disability (PWD) sa Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jonathan Galutera, officer-in-charge ng PWD Affairs Office sa Cauayan City, sinabi niya na nag-ugat ang pananampal ng isang tricycle driver sa PWD sa umano’y ‘green joke’ noong August 25, 2020.
Habang nagbibiruan ang ilang tsuper ng tricycle kasama ang PWD ay dumating ang suspek na nakainom ng alak.
Sinampal ng suspek ang PWD habang siya ay kinokompronta.
Magkaibigan umano ang dalawa dahil sinusundo at inihahatid ng tsuper ang PWD at palaging magkasama sa paradahan.
Dahil sa pananakit ng suspek sa biktima ay nagkaroon sila ng pag-uusap sa barangay hall ng San Fermin, Cauayan City ngunit dahil masama ang loob ng PWD ay ayaw pang makipag-areglo kaya muling itinakda ang pagdinig sa September 1, 2020.
Hinikayat ni Ginoong Galutera ang mga PWD na makakaranas ng katulad na pangyayari o pambu-bully na dumulog sa kanilang opisina para mabigyan nila ng kaukulang tulong.
Hiniling din niya sa mga tsuper ng tricycle na unawain ang kalagayan ng mga PWD.
Dagdag pa ni Ginoong Galutera na bibigyan ng kanilang tanggapan ng cash for work ang PWD na biktima ng pananakit.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Victor Dy Jr. ng San Fermin, Cauayan City, sinabi niya na sa pag-uusap sa barangay ay napag-alaman nila na ang suspek ang naghahatid-sundo sa PWD sa kanyang pamamalimos sa Talavera compound.
Inaasar ng ilang tricycle driver na magkarelasyon ang dalawa na hindi naman umano totoo.
Pinaalalahanan ni Barangay Kapitan Dy ang ilang mamamayan na maghinay-hinay sa pagbibigay ng komento sa social media kung hindi nila alam ang tunay na kuwento.
Nagpapasalamat naman ang PWD sa kumuha ng video sa pananakit sa kanya ng suspek upang mabigyan ito ng action.
Pinasalamatan din niya si Ginoong Galutera sa pagbibigay sa kanya ng tulong kaugnay sa nasabing pangyayari.
VC – PWD NA BIKTIMA
Samantala, sinikap ng Bombo Radyo Cauayan na kunin ang panig ng tricycle driver ngunit wala siya sa kanilang bahay.