
CAUAYAN CITY – Umabot sa dalawang bahay ang totally damaged habang walo naman ang partially damaged sa pananalasa ng buhawi kahapon sa Tumauini, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Local Disaster Risk Reduction and Management Officer 3 Jenny Vi Tumolva Palogan ng Tumauini, Isabela, naitala ang mga naturang napinsala na bahay sa barangay Sta. Catalina at Malamag West.
Mula sa barangay Sta. Catalina ang dalawang bahay na totally damaged na gawa sa light materials at cogon at tatlong pamilya ang naapektuhan.
Mula naman sa barangay Malamag West ang walong partially damaged na bahay na semi concrete at concrete.
Aniya, nailipad ang yero ng mga bahay na partially damaged at sa ngayon ay naayos na at nagpakita na lamang ng larawan ang mga may-ari na natanggal talaga ang yero ng kanilang bahay.
Bukod sa mga naturang barangay ay naramdaman din ito sa mga kalapit na barangay na tumagal ng tatlumpong segundo hanggang isang minuto.
Sinasabing sinlakas ng signal number 5 na bagyo ang naturang buhawi na naminsala rin ng ilang kamalig, kulungan ng mga baboy, may mga puno ring natumba at may bangka rin sa gilid ng ilog na nasira.

Ang ipinagpapasalamat lamang nila ngayon ay walang naging casualty at may isa lamang na matanda na nauntog sa barangay Sta. Catalina pero ngayon ay maayos na ang kalagayan.
Sa ngayon ay nagbigay na sila relief goods sa mga apektadong residente habang inasahan ding maisasailalim sila sa emergency shelter assistance.
Ayon sa kanya, ito pa lamang ang kauna-unahang pagkakataon na may nanalasang buhawi sa kanilang bayan.
Samantala, nagdulot ng labis na pagkagulat sa mga residente ng Lanna, Tumauini, Isabela ang pagtama ng naturang buhawi sa kanilang bayan kahapon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Barangay Kapitan Juan Allapitan Taccay ng Lanna, Tumauini, Isabela na ang naapektuhan ng buhawi sa kanilang barangay ay ang Purok 5 dakong alas tres ng hapon kahapon.
Aniya, galing sa gitna ng ilog Cagayan ang buhawi at papuntang Timog na direksyon.
Ayon sa kanya, labis ang pagkagulat ng mga nakasaksi at nagsitakbuhan ang mga tao sa mismong lugar kaya maraming pamilya rin ang naapektuhan.
Ang ipinagpapasalamat lamang nila ay walang naging casualty at lumihis ito sa mga kabahayan na gawa lamang sa light materials.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Meteorologist Ramil Tuppil ng PAGASA DOST na nakahimpil sa Echague, Isabela, kapag sobrang init ng temperatura at warm and humid ang paligid ay may mga nabubuong cumulonimbus clouds na nagdudulot ng malamig na temperatura.
Nagkakaroon ng turbulence sa ilalim nito at kapag hindi na kaya ay bababa na sa kalupaan at ito ang nakikitang tornado o buhawi.
Malakas aniya itong hangin at mas malakas pa sa bagyo dahil maari itong umabot sa 450 km per hour.
Matindi ang impact nito sa lupa lalo na kung tumama sa mga punong kahoy dahil maaring mabunot ang kahoy o di kaya ay mawala lahat ang dahon.
Kung tatama naman sa mga kabahayan ay para itong sasabog lalo na kung sa mismong loob ng bahay tatama.

Gayunman ay bihira itong mangyari lalo na sa Isabela dahil taon na ang nakalipas nang may mangyari ring buhawi sa Echague, Isabela.
Inamin naman niya na ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakakita siya ng ganito katagal na buhawi.
Karaniwan kasi ay tumatagal ang buhawi ng ilang minuto o segundo pero nakadepende pa rin sa laki ng cumulonimbus clouds na nabuo.
Payo niya sa publiko na maging mapagmatiyag at kapag may nakitang buhawi ay lumikas na lalo na kung papunta ito sa kanilang lugar.
Posible aniyang masundan pa ito dahil sa init pa rin ng temperatura na nararanasan sa lambak ng Cagayan.










