CAUAYAN CITY – Itinuturing na worst incident sa modern history ng Thailand ang walang habas na pamamaril ng isang sundalo sa lunsod ng Nakhon Ratchasima na kilala rin bilang Korat na ikinasawi ng 29 na tao, kasama na ang shooter at ikinasugat ng 58.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong John Patrick Benliro, tubong Puerto Princesa City, Palawan, at nagtatrabaho bilang isang guro sa Phitsanulok, Thailand, sinabi niya na sa 10 years na kanyang pagtatrabaho sa Thailand ay ngayon lamang nangyari ang ganitong insidente na labis na nagdulot ng pagkabigla at takot sa mga tao roon.
Aniya, malayo ang kanyang kinaroroonan sa pinangyarihan ng mass shooting subalit labis din silang natakot at ngayon ay nangangamba sila na baka ito ay mangyari ulit sa ibang lugar sa Thailand.
Ayon kay Ginoong Benliro, ang Thailand ay hindi nakakaranas ng kahit na ano mang kalamidad kaya naman itinuturing ng mga tao roon na worst incident ang mass shooting na ito sa kanilang modern history.
Ayon pa kay Ginoong Benliro, marami ang nagtutungo sa Terminal 21 mall kung saan nagtago at nanghostage ang suspek na si Jakrapanth Thomma, 32-anyos, kaya naman umabot sa ganoon karami ang nasawi at nasugatan.
Nagpapasalamat naman sila dahil kahit may mga Pilipino na kasama sa mga natrap sa mall ay wala namang nangyaring masama sa kanila.