CAUAYAN CITY – Hiniling ng pamunuan ng City Economic Enterprise Management and Development Office (CEEMDO) gayundin ang pamahalaang lunsod ang kooperasyon at pang-unawa ng mga mamamayan pangunahin na ang mga nagtitinda sa pribadong pamilihan kasunod ng pagpositibo sa COVID-19 ng apat na vendor.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Edwin Asis, City Economic Enterprise Management and Development Officer na kasunod ng pagpapalabas ng kautusan para sa pagsailalim sa dalawang araw na lockdown sa Private Market (Primark) kagabi ay may mga nagtitinda ang nagtungo roon para kunin ang kanilang paninda.
Gayunman ay mayroon pa ring hindi nakapunta at pinipilit na pumasok kaninang umaga subalit hindi nila pinagbigyan.
Bukod dito ay mayroon ding mga nagdedeliver ang nagawi at masama ang kanilang loob dahil hindi umano sila naabisuhan.
Dahil dito, nakiusap si Ginoong Asis na unawain ang naging pasya ng pamahalaang lunsod dahil para rin ito sa kapakanan ng nakararami.
Dagdag niya na kung pababayaan ng pamahalaang lunsod na magtuluy-tuloy ang operasyon ng naturang pamilihan ay mas malaki ang magiging problema.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Sangguniang Panglunsod member Edgardo Atienza, chairman ng Committee on Economic and Enterprise na malaki ang epekto nito sa lunsod subalit kailangang unahin ang kapakanan ng bawat mamamayan.
Para matulungan ang mga nagtitinda sa pribadong pamilihan ay kakausapin nila ang pamunuan ng Primark kung paano ang kanilang gagawin sa renta ng mga nagtintinda.
Muli siyang nagpaalala sa publiko na sumunod sa mga minimum health protocols pangunahin na ang pagsusuot ng facemask, face shield at pagsunod sa social distancing para hindi mahawa sa COVID-19.