CAUAYAN CITY – Hiniling ni Mayor Bernard Dy ang pang-unawa ng publiko sa pagpapalawig ng GCQ bubble sa Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Dy na napagkasunduan ng konseho na palawigin ang GCQ bubble dahil overwhelmed pa rin ang mga health facilities bunsod ng marami pa ring nasusuri gayundin ang mga suspect cases.
Aniya, kailangan pang bigyan ng panahon ang medical team sa Cauaya City na makaluwag dahil sa nararanasang surge ng COVID-19.
Sa kabila naman ng pagpapalawig ng GCQ bubble sa lunsod ay pinayagan na ang nail spa, barbershop at salon ngunit dapat ay 30% capacity lamang.
Bukod dito ay pinayagan na rin ang angkas sa motorsiklo sa mga naninirahan sa iisang bahay at kailangan lamang na magpakita ng Identification Card (ID) bilang patunay.
Sa mga passing through o dadaan lamang ay pinapayagan namang makadaan sa mga checkpoint.
Ayon kay Mayor Dy, kung siya lamang ang masusunod ay noon pa niya pinayagan ang angkas sa lunsod.
Samantala, hindi pa pinapayagan ang dine-in services sa mga bahay kainan habang sa religious gatherings ay 10% capacity ang pinapayagan.
Sa ngayon ay nakadepende pa rin sa mangyayari ngayong linggo kung muling palalawigin ang GCQ bubble sa lunsod sa susunod na linggo.
Samantala, ipinaalala ng apprehesion team ng Cauayan City COVID-19 Task Force sa mga makaangkas sa motorsiklo na magdala ng patunay na nakatira sa iisang bahay para hindi masita sa mga checkpoints.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Edwin Asis, head ng apprehesion team ng Cauayan City COVID-19 Task Force na ngayong pinayagan ng muli ang angkas sa motorsiklo ng mga mag-asawa at magkakamag-anak na nakatira sa iisang bahay sa Cauayan City ay dapat din silang sumunod sa panuntunan gaya ng pagpapakita ng valid ID o ano mang nagpapatunay na sila ay magkamag-anak o di kaya ay may mahalagang pupuntahan sa Cauayan City.
Sa mga kabilang sa number coding scheme at walang maipakita ay hindi papayagang makapasok sa lunsod.
Sa Lunes, Miyerkules at Biyernes ay makakapasok lamang ang mga sasakyan na nagtatapos sa odd number ang plate number habang Martes, Huwebes at Sabado naman kapag even number at sa Linggo ay free day o walang iiral na number coding scheme.
Sa mga passing through naman ay papayagang makapasok basta siguraduhin lamang na sila ay dadaan lang sa Cauayan City.











