
CAUAYAN CITY – Hindi pa rin makapaniwala ang isang graduating Senior High School student sa Santo Tomas, Isabela na makakamit niya ang pangarap na makapag-aral abroad matapos na makapasa at makatanggap ng scholarship grant mula sa pitong International Universities.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauaya kay Benjamin Baui, graduating Senior High School student ng Advance Montessori Education Center of Isabela, sinabi niya na bata pa lang siya ay pinapangarap na niya na makapasok sa mga prestiyosong Pamantasan sa ibayong dagat na unti-unti na niyang naabot.
Nagsimula ang lahat ng makita niya ang isang facebook post mula sa isang kaibigan at nagkaroon siya ng interest na subukan ito.
Naging motibasiyon niya ang kanyang mga magulang na walang sawang sumusuporta sa kanya upang makamit ang pangarap na makapag-aral abroad at makapagtapos sa pag-aaral.
Napipisil ni Benj na tanggapin ang scholarship grant ng Xavier University sa Ohio, USA na nag-alok ng P1.5 million scholarship grant bawat taon para sa kursong Bachelor of Science in Architecture.
Para kay Benj maihahalintulad sa isang roller coaster ride ang pagpapasa niya ng application sa iba’t ibang International Universities dahil sa magkaakibat na excitement, saya at stress mula sa pagsusulat ng rekomendasyon, aplikasyon at pagkuha ng pagsusulit.
Maging ang mga magulang niya ay proud rin sa kanyang nakamit na karangalan hindi lamang para sa kanyang sarili kundi para sa buong bansa sa kabila ng mga natatanggap na negatibong komento mula sa ibang tao.
Pangunahing dahilan ni Benj upang tuparin ang pangarap na mag-aral abroad ay upang maiahon sa hirap ang kanyang pamilya matapos na maranasan ang dagok ng pandemya at masuklian ang sakripisyo ng kanyang mga magulang.










