CAUAYAN CITY – Idinetalye ng isang dating myembro ng New Peoples Army o NPA ang ginagawang panghihingi ng kilusan ng permit to campaign at permit to win sa mga kandidato tuwing halalan.
Sa naging pagpapahayag ni Ka Ivy sa ginanap na pulong balitaan ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na may nakalatag silang proseso para sa paghingi ng permit to campaign at permit to win sa mga kukandadidato tuwing halalan.
Aniya malayo pa ang election ay inililista na ng mga komite ng CPP NPA ang mga pangalan ng mga politikong posibleng tatakbo mula Sangguniang Bayan, Mayor at Bise Mayor, Governor at iba pa.
Pagpupulungan ng komite kung magkano ang sisingilin sa mga ito na maaaring baril at bala o pera.
Matapos maisa-isa ang mga kandidato at mapagkasunduan kung magkano o ano ang hihingin sa mga ito ay saka naman paplanuhin kung ano ang gagawing paraan para makaugnayan ang mga dati na nilang nasisingil maging ang mga hindi pa nila nakakaugnayan lalo na ang mga bagong pulitiko lamang.
Aniya hindi lamang sa pamamagitan ng cellphone ang komunikasyon ng kilusan sa mga pulitiko dahil pinapadalhan din sila ng sulat sa pamamagitan ng isang masa na siyang mismong maghahatid sa sulat.
Matapos nito ay personal na mag uusap ang Unit ng NPA at ng grupo ng politiko.
Dalawang resibo ang ginagamit ng kilusan; ito ay ang kulay dilaw at kulay pink na resibo na siyang magtatakda kung ito ba ay permit to win o permit to campaign.
Ito ang ginagamit ng pulitiko sa pagpasok sa mga lugar na area o balwarte ng NPA at sakali mang walang koordinasyon ay may ipapakitang resibo sa mga makakasalubong na unit ng NPA na sila ay otorisado nang makapasok sa lugar para magsagawa ng kampanya.
Ayon pa kay Ka Ivy nakadipende sa lakas ng isang unit ng NPA sa maaari nilang singilin sa mga kandidato.
Kapag malakas ang isang unit ng NPA sa isang lugar at hindi nakapagbayad ng tama ang isang pulitiko ay nagsasagawa ng opensiba ang mga NPA para pigilan ang pagpasok ng mga ito sa kanilang balwarte tulad na lamang ng pag dis-arma sa mga goons ng isang politiko o tinatambangan ang mga bagman at kinukuha ang dala nilang pera na pambili ng boto.
Aniya kapag panahon ng kampanyang electoral ng CPP NPA ay nasa labas ang mga finance officer para sa produksyon ng resibo at mga sulat sa mga politikong kanilang nais na makaugnayan.
Kadalasan ay hindi nakikipagkita ang mga politiko sa kanilang mismong area upang hindi makompromiso ang kanilang seguridad at ang ginagawa naman ng finance officer ay nakikipagkita sa lugar na malapit sa unit ng NPA at upang mas maigiit niya ang hinihinging halaga.
Aniya nakadipende naman sa tinatakbuhang posisyon ng isang politiko ang sisingilin na halaga ng kilusan.
Sa mga SB at Mayors ay umaabot sa walumpung libo hanggang isandaan dalawampung libong piso ang hinihingi ng CPP NPA habang sa mga congressman ay nasa 150,000 hanggang 250,000 pesos at may mga bala pa at baril na kasama.











