--Ads--

Binisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang cold storage facility sa Ramon, Isabela at ang bagong tayong Super Health Center sa bayan ng Cabatuan, kabilang ang mga itinalagang Doctor to the Barrio sa nasabing lugar.

Kasama ng Pangulo sina Governor Rodito Albano, Speaker Bojie Dy, at Vice Governor Kiko Dy sa naturang pagbisita.

Ang Super Health Center ay isang mas advanced na pasilidad na kayang magbigay ng basic health services at magsagawa ng minor surgeries para sa mga residente.

Samantala, ang Doctor to the Barrio program ay binubuo ng mga physician na itinatalaga ng Department of Health sa mga rural na lugar upang tumulong sa mga local health offices sa pagbibigay ng serbisyong medikal sa mga mamamayan.

--Ads--

Kasabay nito, ipinamahagi rin ni Pangulong Marcos ang mga ambulansya sa pamahalaang panlalawigan upang mapalakas ang serbisyong pangkalusugan sa lalawigan.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang pamahalaang bayan ng Cabatuan sa patuloy na tulong na ibinibigay ng national government.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kina Dr. Lara Mae Rosiete, Doctor to the Barrio sa Cabatuan, at Dr. Ria Blanca, Municipal Health Officer ng RHU Cabatuan, sinabi nila na malaking tulong ang Super Health Center upang mas mapalawak at mapabuti ang serbisyong medikal sa nasabing bayan.

Samantala, nagpasalamat naman ang pamahalaang panlalawigan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr kaugnay sa mga proyektong pinasinayaan sa lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cuayan kay Vice Governor Francisco Kiko Dy ng lalawigan ng Isabela, maliban sa Super Health Center ay malaking tulong din anya ang cold storage facility para maiwasan ang kakulangan ng supply at para magkaroon ng mas stable na presyo ng sibuyas sa lalawigan.

Nagpapasalamat din anya sila sa mga pondong ibinaba sa mga local na pamahalaan at sa mga barangay para sa kanilang mga programa sa kanilang nasasakupan.