Kailangan umanong ipaliwanag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dahilan kung bakit binago ang komposisyon ng National Security Council (NSC) at kung bakit tinanggal si Vice President Sara Duterte bilang isang miyembro sa Ahensya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst at Constitutionalist, sinabi niya na bagama’t may kapangyarihan ang pangulo na I-organisa ang NSC ay kailangan pa rin nitong maglatag ng malinaw na dahilan.
Aniya, ang Pangulo ang masusunod pagdating sa national security policy sa pamamagitan ng mga gabay mula sa NSC na isang advisory body kaya mas mainam umano kung ang mga miyembro ng naturang ahensya ay mayroong iba’t ibang pananaw para maging wais ang desisyon ni PBBM para sa seguridad ng bansa.
Giit nito na importante na kabilang sa NSC ang Bise Presidente dahil sila ang susunod sa yapak ng Pangulo kaya nararapat na alam nito ang mga kaganapan pagdating sa seguridad ng bansa.
Hangga’t walang umanong marinig na paliwanag ang Pangulo hinggil sa pagtanggal nito kay VP Sara ay malinaw umano na mayroong pamumulitika rito.
Maliban kay VP Sara ay natanggalan din ng puwesto ang dating mga Pangulo ngunit ayon kay Yusingco ay hindi naman umano sila gaanong kailangan sa NSC ngunit maaari pa rin naman umano silang magbigay ng pagpapayo sa Presidente.