Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paggunita sa ika-129 anibersaryo ng kabayanihan at pagkamartir ni Dr. Jose Rizal sa Rizal National Monument sa Luneta, kasabay ng panawagan sa mga Pilipino na pairalin ang integridad, pananagutan, at pagmamahal sa bayan higit sa pansariling interes.
Sa seremonyang may temang “Rizal: Sa Pagbangon ng mga Mamamayan, Aral at Diwa Mo ang Tunay na Gabay,” pinangunahan ng Pangulo ang flag-raising at wreath-laying rites, kasama ang First Lady Liza Araneta-Marcos at iba pang miyembro ng pamilya Marcos.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Pangulo na sa panahong mas maigting ang panawagan ng mamamayan para sa accountability at good governance, nananatiling gabay ang buhay at mga aral ni Rizal sa pagpili ng katotohanan kaysa katahimikan, at bayan bago ang sarili.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang mga isinulat at isinakripisyo ni Rizal ay gumising sa kamalayang pambansa at nagpatunay na karapat-dapat ang mga Pilipino sa kalayaan at kakayahang hubugin ang sariling kinabukasan. Hinikayat din niya lalo ang kabataan na isabuhay ang patriotismo at pagmamahal sa bayan.
Dagdag pa ng Pangulo, sa bawat kilos ng may integridad at paninindigan para sa tama, nananatiling buhay ang pangarap ni Rizal at mas napapalapit ang sa inaasam asam na isang Bagong Pilipinas.
Ang Rizal Day ay ginugunita tuwing Disyembre 30 bilang pag-alala sa pagpatay kay Dr. Jose Rizal ng mga kolonyalistang Espanyol noong 1896 sa Bagumbayan, na naging mitsa ng mas malawak na pakikibaka para sa kalayaan ng Pilipinas.
--Ads--











