Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko na makiisa sa pamahalaan sa pagharap sa epekto ng krisis sa Gitnang Silangan sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagpapakalat ng maling impormasyon at fake news.
Sa kanyang vlog na in-upload sa social media noong Linggo, Marso 22, iginiit ng Pangulo na may magagawa ang bawat mamamayan upang makatulong, lalo na sa responsableng pagbabahagi ng tamang impormasyon, at hinimok ang publiko na huwag nang makadagdag pa sa problema.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaisa at maingat na information-sharing habang patuloy na tinutugunan ng gobyerno ang epekto ng tumataas na presyo ng langis at ang umiiral na global uncertainty.
Ayon sa Pangulo, ngayon ang panahon upang magtulungan at isaalang-alang ang kapakanan ng kapwa Pilipino, dahil ang pagpapabaya sa isa ay maituturing na pagpapabaya sa buong bansa.
Tiniyak din ng Pangulo na handa ang pamahalaan na tumugon sa pangangailangan ng mamamayan at nananatiling sandigan ang gobyerno sa panahon ng krisis.
Samantala, sinabi ng Pangulo na pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibilidad ng pagpapatupad ng price cap sa bigas, habang maaari ring mapalawig ang P20 rice program na kasalukuyang ipinatutupad sa 177 local government units.
Patuloy ring mino-monitor ng gobyerno ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Ayon sa Pangulo, nananatiling matatag ang presyo ng mga ito at wala pang naitatalang paglabag sa suggested retail prices batay sa isinagawang market inspections.











