Marami ang nagulat matapos maglabas ng mabibigat na akusasyon si Sen. Imee Marcos laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kay First Lady Liza Araneta-Marcos sa ikalawang araw ng anti-corruption rally na inorganisa ng Iglesia ni Cristo nitong Lunes.
Ayon sa senadora, nalaman umano ng kanilang pamilya na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang Pangulo. Binanggit din niya na sangkot din umano sa parehong isyu ang First Lady at sinabing lumala pa raw ang sitwasyon dahil pareho umano silang gumagamit ng droga.
Sa ngayon, hindi pa malinaw kung maghahain ng ebidensiya si Sen. Marcos upang patunayan ang kanyang mga akusasyon, at wala pang opisyal na pahayag mula sa Malacañang hinggil dito.
Samantala, itinuring ni Usec. Claire Castro ang pahayag ng senadora bilang isang desperadong hakbang. Sinabi ni Castro na kung negatibo sa drug test ang Pangulo, gaya ng ipinakita sa livestream, dapat ay tumutok na lamang si Sen. Marcos sa pagtulong sa kampanya ng administrasyon laban sa katiwalian, sa halip na gumawa ng kontrobersyal na alegasyon.
Dagdag pa ni Castro, ang ganitong uri ng pahayag ay maaaring magdulot ng kalituhan sa publiko at mas nakapipinsala sa kredibilidad ng nagbabanggit kaysa sa sinasabing tinutukoy.











