Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes, Enero 5, ang ₱6.793-trilyong General Appropriations Act o pambansang badyet para sa taong 2026, kasabay ng pag-veto sa ₱92.5 bilyong halaga ng unprogrammed appropriations bilang bahagi ng mas mahigpit at responsableng paggastos ng pamahalaan.
Sa isinagawang ceremonial signing sa Malacañang, binigyang-diin ng Pangulo na mahalagang bahagi ang 2026 GAA sa pagpapatupad ng tapat at epektibong pamamahala, at sa pagtiyak na ang pondo ng bayan ay direktang nagsisilbi sa kapakanan ng mga Pilipino. Ayon sa Pangulo, daraan sa masusing pagsusuri ang bawat programa at proyekto upang matiyak ang malinaw na pakinabang nito sa publiko.
Naantala ang paglagda sa pambansang badyet na orihinal sanang mapipirmahan bago matapos ang 2025 dahil sa pagbabago sa legislative calendar at sa isinagawang masusing pagrepaso sa panukalang pondo. Dahil dito, pansamantalang gumamit ang pamahalaan ng reenacted budget sa loob ng limang araw.
Ayon sa Department of Budget and Management, natanggap ng Malacañang ang ratipikadong panukalang badyet noong Disyembre 29, 2025 at agad itong isinailalim sa maingat na pagsusuri upang matiyak na nakaayon ito sa mga prayoridad ng administrasyon at sa pangangailangan ng mamamayan.
Nakasaad sa 2026 national budget ang pagbibigay-prayoridad sa pamumuhunan sa human capital, kung saan nakalaan ang pinakamalaking bahagi ng pondo para sa sektor ng edukasyon at pinalakas na suporta para sa serbisyong pangkalusugan, bilang bahagi ng layunin ng pamahalaan na isulong ang inclusive growth at mas malawak na oportunidad para sa mga Pilipino.
Sa paglagda sa 2026 General Appropriations Act, opisyal nang magkakaroon ng bagong pambansang badyet ang bansa na magsisilbing gabay sa paggastos at pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng pamahalaan sa buong taon.
--Ads--











