--Ads--

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pamamahagi ng learners’ kits at relief packs sa mga mag-aaral at guro ng Sta. Ana Fishery National High School o SAFNHS.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DepEd Regional Director Benjamin Paragas, sinabi niya na personal na binisita ni Pangulong Marcos ang ilang bahagi ng Cagayan na matinding naapektuhan ng Bagyong Ando, partikular na ang mga paaralang nasira.

Aniya, kasama ng Pangulo sa nasabing aktibidad sina Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara at Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay.

Batay sa datos, aabot sa 200 learners’ kits ang naipamahagi sa mga mag-aaral, habang nasa 500 relief packs naman ang naihatid sa mga estudyante at guro ng nasabing paaralan.

--Ads--

Bilang bahagi ng serbisyong handog ng pamahalaan, isinagawa rin ang medical at dental mission para sa mga residente upang mailapit ang pangunahing serbisyo sa mga liblib na lugar.

Kasunod nito, ininspeksyon din ni Pangulong Marcos Jr. ang mga silid-aralan ng SAFNHS na labis na napinsala ng Bagyong Nando. Kasama niya sa inspeksyon sina Gob. Aglipay, DPWH Secretary Vince Dizon, DepEd Secretary Sonny Angara, at Office of the Civil Defense Region 2 Director Leon Rafael.

Batay sa datos ng DepEd, 100% ng mga paaralan sa Calayan ay “totally damaged” dahil sa pananalasa ng Super Typhoon Nando.

Marami sa mga gusali ang nawalan ng bubong, may mga nawasak na bintana at pintuan, habang ang ilan namang hindi nasira ay nawalan ng mga gamit.

Sa ngayon, may ilang paaralan na ang nagbalik sa normal na operasyon, maliban sa Isla ng Calayan na kasalukuyang patuloy pa ring bumabangon mula sa epekto ng bagyo.