Wala pang pinal na desisyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa mga panawagan ng ilang mambabatas na muling sumali ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, nananatiling pareho ang paninindigan ng Pangulo na hindi muna babalik ang bansa sa ICC.
Ang pahayag ay ginawa sa gitna ng mga panawagan mula sa ilang mambabatas, kabilang ang paghahain ng resolusyon sa Kamara na naglalayong ibalik ang Pilipinas bilang miyembro ng Rome Statute, ang kasunduang nagtatag sa ICC.
Sinabi ni Castro na malinaw ang naging mensahe ng Pangulo sa kanya na hindi nagbabago ang kanyang posisyon hinggil sa usapin at sa ngayon ay hindi pa plano ng bansa na muling sumali sa ICC.
Matatandaang kumalas ang Pilipinas sa pagiging miyembro ng ICC noong March 17, 2019, matapos magsampa ng reklamo laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng umano’y maramihang pagpatay sa panahon ng kanyang kampanya kontra iligal na droga o war on drugs.
Sa kasalukuyan, nasa detensiyon ng ICC ang dating Pangulo kaugnay ng kasong crimes against humanity na kinakaharap nito, kasama ang ilang dating at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan.











