Iginiit ng Malacañang na walang kinalaman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang kanyang administrasyon sa kasong kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), matapos mabanggit ang pangalan ng pangulo sa confirmation of charges hearing ng dating pangulo ng kanyang abogado.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi kailangan ng administrasyon na magpaliwanag sa ICC dahil hindi kasama ang Marcos administration sa kaso.
“Walang obligasyon ang Pangulo at ang administrasyon na ito na magpaliwanag dahil hindi kasama sa kaso ang Marcos administration,” ani Castro.
Binigyang-diin niya na personal na kaso ito ni Duterte, at mga Pilipino ang nag-akusa sa kanya ng umano’y maramihang pagpatay sa ilalim ng kanyang war on drugs. Wala rin aniya papel ang administrasyon sa crimes against humanity na kinakaharap ng dating pangulo sa ICC.
Matatandaang binanggit ni Atty. Nicholas Kaufman ang pangalan ni Marcos Jr. sa hearing, sinasabing hindi umano tinupad ng pangulo ang pangako na hindi makikipagtulungan sa ICC para i-neutralize ang kaso at ang kanyang legacy.
Sa kabuuan, malinaw ang posisyon ng Malacañang na personal na kaso ni Duterte ang iniimbestigahan sa ICC, at hindi kasama ang kasalukuyang administrasyon.











