CAUAYAN CITY-
Walang dapat ika-pangamba ang mga pilipino sa pag-apruba ng mababang kapulungan ng Kongreso sa panukalang batas na Divorce sa Pilipinas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, Former National Chapter President ng Integrated Bar of the Philippines sinabi niya na ang Divorce Bill ay pareho lamang ng grounds sa Annulment of Marriage at Legal Separation.
Ang tanging kaibahan lamang aniya nito sa mga dati nang umiiral na batas tungkol sa hiwalayan ay mas mabilis ang proseso ng divorce at mas simple ang sistema nito.
Mabuti aniya at umusad na ang nasabing panukala dahil makatutulong ito sa mga nagdurusa sa failed marriage upang mabigyan ng maayos at malinaw na batas sa paghihiwalay na makatutulong sa kanila upang makapag-simula muli.
Ayon kay Atty. Cayosa, malabong maabuso ang panukalang Divorce kapag ito ay naisabatas dahil kaunti lamang ang mga grounds na nakapaloob dito at kinakailangan pa itong dumaan sa korte bago maaprubahan.
Kinakailangan aniya na ipaliwanag ng kongreso sa taong bayan at sa mga Kaparian ang Divorce Bill upang mabawasan ang kanilang mga pangamba at maunawaan nila ang naturang panukala.
Kaungnay nito, ikinalungkot ng simbahang katoliko ang pag-apruba ng mababang kapulungan ng Kongreso sa Divorce Bill.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fr. Vener Ceperez, Social Communications Director ng Diocese of Ilagan, sinabi niya na tila ginagamit ng mga mga nasa kinauukulan ang kanilang kapangyarihan para isabatas ang kanilang mga ninanais kahit hindi na umano ito moral.
Aniya, kung ano ang moral ay iyon ang gawing legal at hindi dapat isinasa-legal kung ano ang immoral.
Kahit pa aniya maghiwalay sa sibil ang mga mag-asawa ay mananatili pa din sa simbahan ang kanilang sinumpaang pangako dahil mayroon itong sariling batas.
Ayon kay Fr. Ceperez, ang kasal ay hindi “Finished Product” bagkus ito ay simula pa lamang ng proseso ng paglikha ng pamilya.
Ito aniya ay isang “commitment” o desisyon at hindi lang ito naka-depende sa damdamin kaya’t kinakailangan itong pangatawanan dahil ang pag-aasawa ay tugon sa pagpapakabanal.
Isa sa naman sa nakikita niyang problema kung bakit maraming naghihiwalay ay dahil walang kahandaan ang ilan bago magdesisyon na magpakasal kaya’t nagkaka-problema sa kanilang commitment, espiritualidad at pananaw sa buhay mag-asawa na nauuwi sa hiwalayan.
Umaasa naman siya na kapag nakarating na sa Senado ang naturang panukala ay tututukan nila ang usaping ito.