Magandang development sa hanay ng mga manggagawa ang Panukalang across-the-board legislated wage hike.
Pahayag ito ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards o RTWPB Region 2 makaraang aprubahan ng House Committee on Labor and Employment ang panukalang batas na nagbibigay ng dagdag na P200 sa arawang sahod para sa lahat ng manggagawa sa pribadong sektor.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Johnny Alvaro, Workers Representative ng RTWPB Region 2 sinabi niya na matatandaang may una nang inaprubahan sa Senado na P100 across the board wage increase at sinundan ito ng P200 na panukala sa komite ng Kamara.
Umaasa naman si Ginoong Alvaro na ipapasa ang nasabing panukala at binigyang diin nito na matagal nang nagsusumikap ang mga manggagawa para makuha ang makatarungang sahod.
Aniya habang patuloy na tumataas ang inflation ay tumataas din ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo kaya lubhang kailangan ng makatwirang wage hike.
Sa ngayon hindi pa naman tiyak kung anong halaga ng wage increase ang maaprubahan kapag nagpang-abot na ang panukala ng Kamara at Senado.
Ilang dekada nang pinapasan ng mga manggagawa ang kinikita ng mga malalaking negosyo kaya malaki na ang utang nila sa Filipino workers.
Batay sa kanilang monitoring may kaunti namang naitulong ang unang P30 wage increase sa rehiyon noong buwan ng Oktubre 2024 bagamat may mga nagrereklamo na hindi ito naipapatupad ng ilang employer.
Tinitingnan nila ngayon kung maari silang magsagawa muli ng konsultasyon para pag-usapan ang susunod na wage increase.