--Ads--

Isang panukalang batas na naghahangad ng parusang kamatayan ng firing squad para sa mga tiwaling opisyal ng publiko ang inihain sa Kapulungan ng Kongreso.

Sa ilalim ng House Bill 11211 na inakda ni Zamboanga City 1st District Representative Khymer Adan Olaso, ang parusa ay ipapataw sa mga opisyal na hinatulan ng Sandiganbayan para sa graft and corruption, malversation of public funds, at plunder.

Ngunit ang paghatol ay dapat munang pagtibayin ng Korte Suprema, sumailalim sa mandatory automatic review process, at lahat ng legal na remedyo na magagamit ng mga akusado, bago isagawa ang pagbitay.

Ang iminungkahing panukala ay sumasaklaw sa lahat ng mga pampublikong opisyal, inihalal man o hinirang, kabilang ang mga opisyal sa mga sangay ng ehekutibo, lehislatibo at hudikatura, gayundin ang mga naglilingkod sa mga Constitutional Commission, government-owned and controlled corporations, and myembro ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

--Ads--

Sumang-ayon naman si House Quad Committee lead co-chairperson at Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers sa panukala na magpataw ng death penalty para sa krimen ng plunder, ngunit hindi para sa graft at malversation of public funds.

Tinawag naman ni House Deputy Majority Leader at La Union 1st District Representative Francisco Paolo Ortega V ang panukalang “death by firing squad” bilang “medieval”, at iginiit na dapat ding igalang ang karapatang mabuhay.

Sinabi ni Ortega na personal siyang tutol sa parusang kamatayan, at sinabing hindi ito katiyakan na malulutas ang katiwalian. Binanggit din ng mambabatas na dapat na matugunan ang ugat ng krimen.

Nang tanungin tungkol sa pagkakataon ng panukalang batas na matackle ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na may natitira na lamang dalawang linggo bago ipagpaliban ng Kongreso ang sesyon, sinabi ni Ortega na ito ay “short on time” na.