Isinusulong na sa Senado ang panukalang bigyan ng karapatan ang mga legitimate na anak na gamitin ang apelyido ng kanilang nanay kung gugustuhin nila.
Sa Senate Bill 196 na inihain ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III, sinabi nito na kinikilala ng estado ang ginagampanang papel ng mga kababaihan sa nation-building at pantay na karapatan ng babae at lalaki sa harap ng batas.
Isa aniyang isyu na dapat resolbahin ang tungkol sa apelyido ng mga lehitimong anak kung saan normal na sa Pilipinas na gamitin ang apelyido ng ama.
Layunin ng panukala na klaruhin ang lawak ng legal right ng mga lehitimong anak na gamitin ang apelyido ng kanilang nanay at payagan ang mag-asawa na magkasundo kung kaninong apelyido ang ilalagay sa birth certificate.
Kung magiging batas, papayagan din ang isang legitimate child na palitan ang kanyang apelyido sa loob ng 10 taon pagkatapos ng “age of majority” na hindi na kailangan ng approval ng korte.
Isang beses lamang maaaring gawin ang pagpapalit ng apelyido at hindi puwedeng paulit-ulit.











