--Ads--

Inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 8418, na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na pansamantalang bawasan o suspendihin ang excise tax sa petrolyo tuwing may krisis sa ekonomiya.

Nakakuha ang panukala ng 247 boto pabor, tatlong tutol, at walang abstention, layunin nitong maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis na nagpapamahal sa pamasahe, pagkain, at kuryente.

Sa ilalim ng panukala, maaaring alisin ng Pangulo ang hanggang ₱10 kada litro sa gasolina at ₱6 sa diesel kung tataas sa $80 kada bariles ang presyo ng krudo o may idineklarang national emergency. Ang kapangyarihang ito ay maaaring gamitin hanggang Disyembre 31, 2028.

Kabilang sa mga bumoto ng tutol sina Kabataan Rep. Renee Co, Gabriela Rep. Sara Elago, at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, na iginiit na hindi nito tinutugunan ang ugat ng problema sa dereguladong industriya ng langis.

--Ads--

Samantala, suportado ng Akbayan Rep. Chel Diokno ang panukala ngunit nanawagan ng mas malawak na ayuda sa mga sektor na apektado, gaya ng libreng sakay at fuel subsidy para sa riders at drivers.

Bagama’t inaasahang makakatulong ang suspensyon ng buwis, nananatiling hamon ang transparency sa presyo ng langis at ang pangangailangan ng mas pangmatagalang solusyon tulad ng regulasyon at renewable energy.