--Ads--

Nakakuha ng malawak na suporta mula sa mga mambabatas at mga grupo ng manggagawa ang panukalang “no work, no pay” na inihain ng House Majority Leader na si Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander Marcos.

Ayon sa mga sumusuporta sa panukala, layon nitong tiyakin na ang pondo ng bayan ay ginagastos lamang kapag may aktuwal na serbisyong naibibigay ng mga halal na opisyal. Iginiit nila na kung ipinatutupad ang prinsipyong “no work, no pay” sa mga ordinaryong manggagawa, nararapat lamang na ipatupad din ito sa mga mambabatas.

Binigyang-diin din ng mga lider ng Kamara na hindi parusa ang panukala kundi isang hakbang upang mapanatili ang disiplina at propesyonalismo sa paggawa ng batas. Dagdag pa nila, may sapat na batayan sa 1987 Konstitusyon ang Kongreso upang iregula ang sahod at mga benepisyo ng mga mambabatas.

Nagpahayag rin ng suporta ang mga kinatawan ng sektor ng manggagawa sa House Bill 7432, na nagsabing walang dahilan upang magkaroon ng ibang patakaran ang mga halal na opisyal kung ang mga karaniwang manggagawa ay agad na napaparusahan kapag lumiliban sa trabaho.

--Ads--

Samantala, sinabi ng mga grupo ng manggagawa na nagiging karaniwan na ang hindi makatarungang pagliban ng ilang mambabatas sa Senado at Kamara, kahit patuloy pa rin silang tumatanggap ng sahod at allowances.

Ibinahagi rin ng mga grupo na ipinatutupad na ang “no show, no pay” policy sa mga lehislatura ng ilang bansa tulad ng Australia at ilang estado sa Europa.

Iminungkahi ng mga grupo ng manggagawa na magpatupad ang Kongreso ng awtomatikong pagpigil sa sahod at allowances ng mga mambabatas na may hindi makatarungang pagliban, bilang bahagi ng pagsusulong ng pananagutan sa serbisyo publiko.