--Ads--

Nagbabala ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa publiko na huwag basta-basta pumatol sa mga Online Lending Apps (OLA) sa oras ng kagipitan dahil sa matinding pinsalang idinudulot nito sa mga biktima, lalo na sa mga mahihirap na Pilipino.

Ayon sa PAOCC, mas mapanganib ang OLA kumpara sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na tuluyan nang ipinagbawal sa bansa. Habang ang mga POGO ay kadalasang nambibiktima ng mga dayuhan sa pamamagitan ng investment at love scams, ang OLA naman ay direktang nakakaapekto sa mga Pilipinong salat sa buhay.

Sa ulat ng ahensya, umaabot sa 35% hanggang 40% kada buwan ang ipinapataw na interes sa mga umutang sa OLA, bukod pa sa advance interest. Dahil dito, doble o higit pa sa kapital ang binabayaran ng isang nangutang.

Mas lalong nakababahala ang uri ng pananakot at pangha-harass na nararanasan ng mga biktima. Ginagamit umano ng mga OLA ang personal na impormasyon tulad ng contact list, email, payslip, at social media accounts ng nangutang upang ipahiya sila sa publiko. Kabilang dito ang pagpapadala ng mensahe sa mga kaibigan, katrabaho, at kamag-anak gamit ang text, email, at social media.

--Ads--

Ayon kay PAOCC Executive Director Secretary Gilbert Cruz, may mga kaso pa na ginamitan ng artificial intelligence upang likhain ang mga pekeng malalaswang video ng mga biktima—na nagdulot ng matinding depresyon at pagkamatay. Naiulat na may anim na kaso ng pagpapatiwakal dahil sa ganitong uri ng pang-aabuso.

Ani Cruz, bagama’t Pilipino laban sa kapwa Pilipino ang isyu sa OLA, hindi malayong mga dayuhan din ang nasa likod ng operasyon, gamit ang mga lokal bilang keyboard warriors o taga-operate ng mga scam.

Dagdag pa niya, bukod sa OLA, isinusulong din niya ang total ban sa online gambling sa bansa dahil sa negatibong epekto nito sa buhay ng maraming Pilipino.