CAUAYAN CITY- Nakalagak ngayon ang mga labi ni Rev. Father Angel Luga sa Gamu Parish ngayong araw hanggang March 19, 2018, araw ng Lunes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Father Vener Ceperez, kura paroko ng Saint Anthony De Padua Parish Chruch sa Reina Mercedes, Isabela at Social Communications Director ng Diocese of Ilagan na dinala sa Isabela Doctor’s General Hospital si Reverend Father Angel Luga ngunit idineklarang dead on arrival kahapon ng gabi.
Anya si Father Luga ay dumating sa kumbento at dumiretso sa kanyang kuwarto galing sa Santiago City nang bigla na lamang nawalan ng malay.
Inihayag ni Father Ceperez na si Father Luga ay 40 taon na naglingkod sa Diocese of Ilagan at naitalaga sa iba’t ibang bahagi ng Diocese tulad ng sa Echague, Cauayan City na nagtagal ng anim na taon, Tumauini, Cabagan, San Pablo at iba pa.
Inilarawan ni Father Ceperez si Father Luga na puro trabaho ang ginagawa at kung tutuusin ay hindi nakapagpahinga.
Anya, marami siyang proyektong pang-imprastraktura sa simbahan sa Cauayan City.
Maaaring ang sobrang pagtatrabaho at sobrang na-stress ang nag-trigger sa kanyang sakit sa puso kaya maaaring bumigay ang katawan
Anya dalawang beses na rin anyang sumailalim sa Angioplasty si Father Luga.
Dadalhin sa kanilang tahanan sa Ugad, Tumauini, Isabela ang mga labi ni Father sa March 19, 2018 at magtatagal hanggang March 22, 2018 at sa hapon ng March 22, 2018 ay ililipat ang kanyang mga labi sa Cathedral .
Sa March 23, 2018 ng umaga ay gaganapin ang misa at ililibing siya sa Clergy Cemetery sa harapan ng Cathedral.




