--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot na sa halos P200 million ang partial na halaga ng mga nasirang pananim na mais at palay sa pananalasa ng bagyong Goring sa dalawang lalawigan sa Region 2.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Technical Adviser Narciso Edillo ng Office of the Assistant Secretary for Operations ng Department of Agriculture (DA), sinabi niya na sa lalawigan ng Cagayan at Isabela ay umabot na sa 11,904 metric tons ang initial damage loss na kung iko-convert sa piso ay nasa P192,652,704 at inaasahang madadagdagan pa ito sa mga susunod na araw.

Ang naitalang sira sa pananim na palay sa Cagayan ay nasa P60,244,804 habang sa Isabela P26,803,545.

Ang naitala namang sira sa mais sa Cagayan ay nasa P74,578,000 habang sa Isabela ay nasa P57,831,000.

--Ads--

Ang nasabing datos ay report pa lamang ng mga Municipal Agriculture Offices na dinaanan ng bagyo maging ang mga lugar na hindi dinaanan ngunit nakaranas ng mga pagbaha at malakas na hangin na nakaapekto sa mga pananim.

Tiniyak naman ni Edillo na ito ay subject for validation pa ng composite team at DA kaya inaasahang bababa ang nabanggit na halaga.

Samantala, parating pa lamang ang binhing ibinigay ng central office para sa mga naapekuhan ng bagyong Egay kaya pakiusap niya sa mga local government units (LGUs) na huwag iduplicate ang naitalang sira sa bagyong Egay at ng bagyong Goring upang hindi magkagulo ang listahan.

Tinig ni Technical Adviser Narciso Edillo ng Office of the Assistant Secretary for Operations ng DA.