Isinumiteni Senador Bam Aquino ng panukalang batas para repasuhin at higpitan ang partylist system upang matiyak na ang mga kinatawan nito ay tunay na nagsisilbi sa marginalized at underrepresented sectors at para makatulong sa pagsugpo ng korapsyon.
Kapag naisabatas, makatutulong ang Senate Bill No. 1559, o ang “Party List Reform Act,” para masiguro na ang party-list system ay tunay na maglilingkod sa nakararami, magbibigay ng boses sa ordinaryong Pilipino sa Kongreso, at mababawasan, kung hindi tuluyang mabura, ang posibleng pag-abuso at korapsyon sa sistema.
Binanggit ni Aquino ang isang pag-aaral noong 2025 ng election watchdog na Kontra Daya, na natuklasan na 86 sa 156 na accredited party-list groups sa 2025 elections ay konektado sa political dynasties o malalaking korporasyon.
Inaatasan ng panukala ang Commission on Elections (COMELEC) na magsagawa ng public evidentiary hearings upang beripikahin kung talagang kinakatawan ng mga organisasyon ang sektor na kanilang sinasabing pinaglilingkuran. Tinitiyak din ng proseso na ang kanilang mga nominees ay tunay na galing sa mga sektor na iyon.
Ipinapanukala rin nito na palawigin ang ilang mahahalagang deadlines, kabilang ang registration period para sa mga party-list groups mula 90 hanggang 120 araw bago ang halalan at ang pagpapalabas ng certified list ng eligible organizations mula 60 hanggang 90 araw bago ang halalan.
Hihigpitan din ng panukala ang mga patakaran sa nominees, kung saan aatasan ang partylist groups na magsumite ng hindi bababa sa anim na nominees, na ang listahan ay dapat aprubahan ng pinakamataas na decision-making body ng organisasyon.
Hindi papayagan bilang nominees ang mga taong may kaugnayan hanggang sa ikatlong degree sa anumang kasalukuyang halal na opisyal, pati na rin ang mga indibidwal na kasalukuyan o naging government contractors, kabilang ang mga opisyal ng mga kumpanya na kasali sa pampublikong imprastruktura o iba pang proyekto na pinondohan ng estado.





