
CAUAYAN CITY – Itinuturing ng isa sanang pasahero ng China Eastern Airlines Boeing 737 na pangalawang buhay ang hindi niya pagkakatuloy sa biyahe matapos na bumagsak ang naturang eroplano.
Matatandaang galing sa Kunming ang naturang eroplano na may sakay na 123 passengers at 9 na crews at patungong Guangzhou nang ito ay bumagsak sa Guangxi province.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Bombo International News Correspondent Frel Piquero na may isang pasahero na sasakay sana sa China Eastern Airlines Boeing 737 pero hindi natuloy dahil sa lumabas na resulta sa wechat.
Ang wechat ay ginagamit ng China para masuri ang kondisyon ng isang indibiduwal may kaugnayan sa COVID-19.
Ang resulta ng wechat na ito ay ipinapakita sa airport na dapat ay walang abnormalidad sa kondisyon ng pasahero.
Kapag green ang lumabas ay walang problema pero kapag yellow ay nagpunta sa mga lugar na may mga kaso ng COVID-19 at kapag red naman ay kailangan nang pumunta sa hospital.
Sa naturang pasahero ay yellow ang lumabas kaya sinabihan siya na sa susunod na magbiyahe at magpaswab test muna
Ayon kay Piquero nang mabalitaan niya ang nangyari sa Boeing 737 ay labis ang kanyang pasasalamat dahil isa rin sana siya sa mga biktima kung natuloy siya sa pagbiyahe.
Sa ngayon ay patuloy ang paghahanap sa katawan ng iba pang mga pasahero na malaking hamon para sa mga nagsasagawa ng search and rescue operations dahil kagubatan ang lugar kung saan bumagsak ang eroplano.
Ayon kay Piquero mas pinili ng piloto na ibagsak sa kagubatan ang eroplano dahil kung sa mga kabahayan ay mas marami ang madadamay.
Sa walong taon na pananatili niya sa bansang China ay ngayon lamang may nangyaring pagbagsak ng eroplano sa naturang bansa.










