Nakaalerto na ang hanay ng Cauayan Airport Police Station sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong nalalapit na holiday season.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMAJ Onasis Culili, Chief of Police ng PNP Cauayan Airport, nagsimula na ang kanilang early monitoring upang agad na maresolba ang anumang posibleng aberya at upang matiyak ang maayos na operasyon sa paliparan.
Gayunpaman, sinabi ni Culili na mula Disyembre 20 hanggang Enero 4 ay mas hihigpitan pa nila ang seguridad dahil ito ang panahon kung kailan tradisyunal na tumataas ang bilang ng mga biyahero. Dodoblehin umano nila ang kanilang presensya at pagbabantay, lalo na sa arrival at departure areas.
Tinatayang 20 PNP Airport personnel ang itatalaga upang mag-ikot at magbantay sa buong lugar ng paliparan. Kasama rin dito ang dalawang K9 dogs na tutulong sa pag-inspeksyon ng mga bagahe at makakatulong sa mabilisang pag-detect ng anumang ipinagbabawal o posibleng banta sa seguridad.
Bukod sa kanila, katuwang din ng PNP Airport ang security unit ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) upang matiyak ang mas maayos at masinsinang pagbabantay sa bawat pasahero at bisita.
Samantala, muling pinaalalahanan ng PNP Airport ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala at pababyahe ng anumang uri ng paputok, pati na rin ang iba pang delikado at restricted na gamit, alinsunod sa umiiral na aviation security protocols.
Paalala ng mga awtoridad na sundin ang mga alituntunin upang maiwasan ang abala at mapanatiling ligtas ang lahat ngayong kapaskuhan.
Tiniyak ng Airport Police na handa silang magsilbi at magbantay upang maging ligtas, maayos, at magaan ang pagbiyahe ng publiko sa Cauayan Airport ngayong holiday season.











