CAUAYAN CITY – Gamit ang kawayan ay ibinaba mula bulubunduking barangay ng Lower Mangali, Tanudan, Kalinga ang isang pasiyente upang madala sa pagamutan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Edwin Gubuiangan, Deputy Chief Of Police ng Tanudan Police Station, sinabi niya na naabutan ng kanilang mga tauhan ang ilang residente na naglalakad at may buhat na pasiyente mula sa Barangay Lower Mangali.
Dahil dito tumulong ang mga pulis buhatin ang pasyente gamit ng kawayan at dinala sa Pagamutan.
Ang nasabing pasiyente ay isang babae na hindi umano makalakad.
Ayon kay PLt. Gubuiangan, bulubundukin ang barangay na pinanggalingan ng pasiyente at walang kalsada na puwedeng daanan ng motorsiklo at sasakyat kaya’t paglalakad lamang ang tanging paraan upang makapunta sila sa bayan.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na may tinulungan silang pasiyente dahil karaniwan nang gumagamit ang mga residente ng kawayan para madala ang pasiyente sa pagamutan mula sa nasabing barangay.