--Ads--

CAUAYAN CITY – Sinuspinde na ng ilang bayan at lungsod sa Isabela ang pasok sa paaralan dahil sa bagyong Enteng.

Kinabibilangan ito ng bayan ng Angadanan at Alicia, Isabela kung saan sinuspinde ang pasok ng mga mag-aaral mula pre-school hanggang kolehiyo habang sa Cauayan City ay sinuspinde naman ang pasok sa kindergarten hanggang grade 12.

Samantala hindi na rin madaanan ang Alicaocao overflow Bridge sa Cauayan City matapos malubog sa tubig baha.

Pansamantalang iikot ang mga motorista sa bahagi ng Naguilian bilang alternate route.

--Ads--

Pinapayuhan naman ng lokal na pamahalaan ang lahat na mag-ingat at iwasan ang pagtawid sa lugar upang maiwasan ang anumang aksidente o panganib.

Samantala nagdesisyon na rin ang pamunuan ng Isabela State University na suspendihin muna ang pasok ng mga estudyante sa kolehiyo dahil sa mga pag-ulang dala ng bagyong Enteng.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ricmar Aquino, presidente ng ISU System sinabi niya na bagamat walang gaanong epekto ang bagyong Enteng sa Isabela maliban sa pag-ulan ay kanilang sinuspinde ang pasok ng mga estudyante.

Sinuspinde rin ang onlince classes dahil maaring maapektuhan ang internet connectivity ng mga mag-aaral maging ang mga nangyayaring brownout/power interruptions.

Dahil dito, Asynchronous classes muna ang modality na gagamitin at may ibinigay namang aktibidad ang mga guro upang hindi maapektuhan ang kanilang pag-aaral habang walang pasok sa paaralan.