--Ads--

CAUAYAN CITY- Nahaharap sa kasong robbery with frustrated homicide ang pastor na di umano’y nanaksak sa estudyanteng karelasyon nito sa isang boarding house sa Lungsod ng Santiago.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt Donald Diego, Deputy Chief of Police ng Station 3, Santiago City Police, sinabi niya na batay sa insiyal na pagsisiyasat, pinasok umano ng 43-anyos na pastor ang boarding house ng 19-anyos na estudyante para kuhanin ang wallet nito na naglalaman ng 20,000 pesos maging ang cellphone ng biktima.

Ngunit biglang nagising ang biktima dahilan upang pagsasaksakin ito ng suspek sa iba’t ibang parte ng kaniyang katawan gamit ang kutsilyo.

Nagawa pa umanong makasigaw ng tulong biktima bago ito mawalan ng malay.

--Ads--

Narinig naman ito ng kasama sa boarding house at agad pinuntahan ang biktima at dito na nito nakita ang kalunos-lunos na sinapit ng biktima na siyang nagparating ng insidente sa mga kinauukulan.

Hindi na naabutan pa ang suspek sa lugar dahil agad itong tumakas at umuwi sa lungsod ng Cauayan kung saan siya nadakip matapos makipag-ugnayan ang Santiago City Police Station 3 sa Cauayan City Police Station.

Napag-alaman na magkarelasyon ang pastor at ang biktima at kaya nito kinuha ang cellphone ng biktima ay para burahin ang kanilang conversation online dahil sa pangamba na masira ang imahe nito kapag naisiwalat sa publiko ang kanilang relasyon lalo na at siya ay pamilyado.

Ayon sa mga awtoridad, maaring makapag-piyansa ang suspek sa kasong kaniyang kinakaharap ngunit sa ngayon ay hinihintay pa ang desisyon ng piskalya matapos maghain ng motion to reduce bail ang nasabing Pastor.

Tinatayang nasa P180,000 ang piyansa ng suspek sa kasong robbery at P72,000 para sa kasong Frustrated Homicide.

Samantala, ikinagulat ng caretaker ng boarding house na tinitirahan ng isang estudyanteng biktima ng pananaksak sa lungsod ng Cauayan ang nangyaring krimen.

Ayon kay Ginang Joy, caretaker ng boarding house, sinabi nito na may mga grills na may lock ang bawat boarding house nila bukod pa sa mga maindoor.

Kaya naman nabigla siya at nagtataka kung paanong nakapasok ang suspek sa loob ng boarding house ng mga biktima.

Laking pasasalamat nalang niya na hindi masiyadong napuruhan ang isa sa kaniyang boarder.