CAUAYAN CITY- Dahil sa panghihinayang sa kanyang nailipad na sombrero ay naging mitsa ng buhay ng isang pasahero ng tricycle makaraang mahagip ng pampasaherong van habang pinupulot sa gitna ng pambansang lansangan ang nahulog na kagamitan sa San Pablo, Isabela.
Ang biktima ay si Rafael Malabbo Jr, 53 anyos, magsasaka,residente ng San Jose, San Pablo, Isabela .
Ang tsuper ng pampasaherong van ay si Delmacio Menggolio, 40 anyos at residente ng Barangay Lingaling, Tumauini, Isabela.
Lumabas sa pagsisiyasat ng San Pablo Police Station na ang biktima ay sakay ng tricycle nang inilipad ng hangin ang kanyang sombrero .
Huminto ang sinakyang tricycle at pinupulot ni Malabbo ang kanyang sombrero sa kalagitnaan ng pambansang lansangan at hindi napansin ang paparating na van sanhi para masalpok siya ng sasakyan.
Dinala sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.




