CAUAYAN CITY – Natagpuang wala nang buhay sa kanyang silid tulugan ang isang lalaki sa barangay District 1, Cauayan City.
Ang namatay ay si Eduardo Tamayo, 53 anyos, may-asawa, tindero ng isda at residente ng nasabing lugar.
Lumabas sa pagsisiyasat ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station na nagpakamatay si Tamayo makaraang matagpuan ang isang bote ng lason at dalawang bote ng alak sa kanyang tabi.
Nakita umano ni Jerry Tamayo, 32 anyos, may-asawa ang kanyang ama na bumili ng dalawang bote ng alak na dinala sa silid tulugan kasama ang umanoy bote ng lason saka nagkulong sa kanyang kuwarto.
Nang silipin sa bintana ng kanyang anak ang ama sa kuwarto ay nakitang parang wala nang buhay na bagamat dinala sa pagamutan ay idineklarang wala nang buhay.
Sinasabing bago nagpakamatay si Tamayo ay nag-away umano sila ng kanyang asawa na nagtatrabaho sa ibang lugar.




