CAUAYAN CITY- Mag uumpisa na sa pagpapatubig ang National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System o NIA MARIIS simula bukas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS sinabi niya na mula sa 90,000 hectares na kanilang nasasakupan ay tanging 60,000 hectares lang muna ang kanilang mapapatubigan.
Ilan aniya sa mga lugar posibleng hindi muna mapatubigan ang ilang sakahan ng palay sa Diffun, Quirino, Cordon, Echague at Santiago City sa Isabela.
Ito ay dahil mababa rin sa lebel ng tubig sa Magat Dam na nasa 178 meters above sea level.
Inaasahan anyang mas lalo pang bababa ito dahil higit 12 cubic meters per second lamang ang inflow sa Dam kung ikukupara sa inaasahang ipapalabas na tubig ng Dam na halos 100 cubic meters per second.
Ayon kay Engr Dimoloy sakali man na magkaroon ng mga pag-ulan at tumaas ang water elevation ng Dam ay posible pa ring ipahabol na mapatubigan ang mga nasabing sakahan sa mga susunod na buwan.
Sa ngayon ay naghihintay din ng seedable clouds ang NIA MARIIS upang makapagsagawa sila ng cloud seeding.