--Ads--

CAUAYAN CITY- Nakilala na ang 3 namatay sa naganap na pagbaliktad kaninang umaga ng isang pampasaherong jeep sa daan sa Cudal, Tabuk City, Kalinga.

Ang mga nasawi ay sina Irene Mayaoyao, 40 anyos, may-asawa at ang mga estudyante na sina Vandam Mayaoyao at Hero Wackisin, pawang residente ng Mabaca, Tanudan,Kalinga

Lumabas sa pagsisiyasat ng Tabuk City Police Station, ang jeep na may plakang ADA 388 ay minaneho ni Ramos Mayaoyao at pag-aari ni Barangay Kapitan Amado Caltiyao.

Walang lisensiya ang nagmamaneho ng nasabing sasakyan.

--Ads--

Marami ang sakay ng jeep dahil punung-puno sa loob at marami pa ang nasa topload.

Lumabas sa pagtatanong ng Tabuk City Police Station kay Ramos Mayaoyao na nawalan siya ng kontrol sa manibela sa pababang bahagi ng daan sa barangay Cudal.

Ang driver ay nasa pangangalaga na ng Tabuk City Police Station at sasampahan ng kasong Reckless Imprudence resulting in multiple homicide at multiple injuries.

Nadaganan ng bumaliktad na jeep ang isa sa mga estudyante na nasawi sa aksidente.

Karamihan sa 36 na nasugatan ang nilalapatan ng lunas sa Kalinga Provincial Hospital habang ang iba ay nasa pribadong ospital.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Denver Flores na ang kanyang anak na natusok ng buho sa kanyang puwitan ay patungo sana sa Bulanao, Tabuk City para sa exam sa pag-aaral ng computer nang maganap ang aksidente.