May malaking epekto sa ginagawang budget deliberation ang patuloy na pagtatago ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Egon Cayosa, sinabi niya na hindi magandang implikasyon ang ginagawang pagliban ni Senator Dela Rosa upang makaiwas sa aniya’y arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) dahil sa madugong kampanya kontra droga.
Aniya, ang palagiang pagliban ng nasabing senador ay posibleng makaantala sa deliberasyon ng budget.
Dagdag pa niya na dapat isaalang-alang ng senador ang kaniyang mandato bilang halal na opisyal na pinagkatiwalaan at binabayaran ng taumbayan, subalit ngayon ay hindi na mahagilap.
Kung sakali man na may warrant at wala naman talagang kasalanan, ay dapat na harapin ito—lalo na noong panahon na siya ang hepe ng PNP na may iba’t ibang programang kabilang ang Oplan Tokhang at Double Barrel—at hindi dapat takbuhan.
Sa katunayan, isa si Senator Bato sa mga nagpatupad ng Oplan Tokhang at nagbigay ng mga pabuya sa mga pulis na nakakapatay ng drug user at drug pusher, na nagresulta upang maging inutil ang hudikatura.
Sa ganitong pagkakataon, aniya, dadaan pa rin naman sa due process si Dela Rosa at mabibigyan ng pagkakataon na ipagtanggol ang kaniyang sarili.
May opsyon naman, aniya, ang Republika ng Pilipinas kung isusuko siya sa ICC o hindi, dahil walang extradition sa ICC o Rome Statute.
Dahil sa kapabayaan at impluwensya ng nakaraang administrasyon, nagkaroon ng jurisdiction ang ICC sa mga isinampang kaso noon laban sa mga naitalang pagpatay sa mga drug personalities.








