Tiniyak ng Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) na magpapatuloy ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga mangingisda sa buong bansa, sa kabila ng patuloy na pagsirit ng presyo ng petrolyo.
Ayon sa ahensya, ipagpapatuloy ang distribusyon ng ayuda gamit ang natitirang pondo habang isinasapinal ang supplemental agreement kasama ang Development Bank of the Philippines (DBP). Inaasahang makapagbibigay ito ng karagdagang ₱50 milyon na subsidiya, na makatutulong sa tinatayang 15,000 pang mangingisda.
Binigyang-diin ni Francisco Tiu Laurel Jr. na hindi dapat maapektuhan ng pabagu-bagong presyo ng langis ang kabuhayan ng mga mangingisda.
“Global fuel volatility should not come at the expense of our fisherfolk’s survival. We are moving promptly to ensure assistance reaches them without delay, because keeping our fishing boats running means keeping food on Filipino tables and sustaining livelihoods,” ani Laurel.
Dagdag pa ng DA-BFAR, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa DBP upang mapabilis ang pag-apruba ng kasunduan at agad na maipalabas ang karagdagang pondo.
Sa ilalim ng Fuel Assistance Program ng DA-BFAR, makatatanggap ang mga kwalipikadong mangingisda ng ₱3,000 bawat isa sa pamamagitan ng cash card o vouchers. Sa kasalukuyan, mahigit 10,000 benepisyaryo na ang nakatanggap ng nasabing ayuda.





