--Ads--

Inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patuloy na nahihirapan ang turismo ng Pilipinas, ilang araw matapos ang pagbabago ng pamunuan sa Department of Tourism.

Sa kanyang talumpati sa inauguration ng Mactan Expo sa Cebu, sinabi ng Pangulo na mababa pa rin ang bilang ng mga turistang dumadayo sa bansa.

Noong nakaraang linggo, inanunsiyo ng Malacañang ang pagbabago ng pamunuan sa Department of Tourism, kung saan si dating Secretary Christina Frasco ay itinalaga bilang adviser para sa sustainable at resilient communities.

Sa naturang okasyon, nagpahayag si Marcos ng pag-asa na muling makakabangon ang turismo sa bansa sa pamamagitan ng mga bagong proyekto tulad ng Mactan Expo.

--Ads--

Ang Mactan Expo ay isang world-class facility na maaaring pagdausan ng malalaking events at conventions. Ayon sa Pangulo, mahalaga ang pagpapalakas ng tourism infrastructure upang mas maraming turista ang mahikayat.

“Dapat patuloy na pagbutihin ang ating infrastruktura upang mas maging maayos at mas memorable ang karanasan ng bawat bisita,” ani Marcos.

“Kaya kailangan nating magtayo ng mas maraming pasilidad tulad nito at palakasin ang ating infrastruktura upang mas suportahan ang turismo,” dagdag niya.

Bago ang seremonya ng pagbubukas ng Mactan Expo, bumisita rin si Marcos sa Bogo City upang inspeksyunin ang Learning Continuity Space at Yakap at Kalinga Program sa Marcelo B. Fernan Polambato Elementary School. Ang mga pasilidad ay itinayo matapos ang malakas na lindol noong nakaraang taon.

Pinangunahan din niya ang oathtaking ceremony ng mga bagong-promote na guro sa Cebu Province at sinuri ang Bagong Pilipinas eGovPH Serbisyo Hub sa Mandaue City.