--Ads--

Bilang pagkilala sa kanilang mahalagang ambag sa serbisyong publiko, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbibigay ng year-end gratuity pay para sa Contract of Service (COS) at Job Order (JO) workers sa pamahalaan ngayong taon.

Sa ilalim ng Administrative Order No. 39 na nilagdaan noong Disyembre 11, ang mga COS at JO workers na may hindi bababa sa apat na buwang kasiya-siyang serbisyo at may aktibong kontrata hanggang Disyembre 15 ay maaaring makatanggap ng gratuity pay na hanggang Php 7,000

Ang mga empleyadong may mas maikling panahon ng serbisyo ay makakatanggap ng halaga gamit ang “pro-rata basis”: Php 6,000 para sa tatlo hanggang kulang na apat na buwan, Php 5,000 para sa dalawa hanggang kulang na tatlong buwan, at Php 4,000 para sa mas mababa sa dalawang buwan.

Saklaw ng kautusan ang mga manggagawa sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan, state universities and colleges, government-owned or government-controlled corporations, at local water districts. Maaaring ipamahagi ang gratuity pay simula Disyembre 15.