--Ads--

Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipino na pairalin ang pagkakaisa at pagtutulungan sa paggunita ng Semana Santa, kasabay ng pagharap ng iba’t ibang bansa sa krisis dulot ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Sa kanyang mensahe nitong Linggo ng Palaspas o Palm Sunday, sinabi ng Pangulo na nawa’y patatagin ng Mahal na Araw ang paninindigan ng bansa na magabayan ng pananampalataya, pagkakaisa, at malasakit sa kapwa.

Ang Palm Sunday ay hudyat ng pagsisimula ng Semana Santa, na ginugunita ang huling linggo ng ministeryo ni Hesukristo bago ang kanyang pagpapako sa krus at muling pagkabuhay.

Hinimok ni Marcos ang mga mananampalataya na tularan ang buhay at sakripisyo ni Hesukristo sa pamamagitan ng pagpapanibago ng pananampalataya sa Diyos, pagmamahal sa kapwa, at pananatiling matatag sa gitna ng mga pagsubok.

--Ads--

Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng pagtutulungan para sa kapakanan ng pamilya at sa pagbuo ng mas matatag na komunidad na nakabatay sa pananampalataya at sama-samang pananagutan.

Umaasa rin siya na magsisilbing inspirasyon ang panahon ng Kuwaresma upang mahikayat ang mga Pilipino na magpakita ng malasakit at tumulong sa mga nangangailangan.

“May Jesus Christ’s example inspire us to face our own challenges with humility, perseverance, and hope,” ayon sa Pangulo.