--Ads--

CAUAYAN CITY – Personal na bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang pangunahan ang assestment briefing sa sitwasyon at ang lawak ng pinsalang dulot ng Super Typhoon ‘Egay’ sa Cagayan Valley.

Pinangunahan ng Pangulo ang isang situation briefing kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya upang talakayin ang mga pagsisikap sa rehabilitasyon na ginagawa upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipinong naapektuhan ng kalamidad.

Pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang pamamahagi ng tulong sa mga residenteng naapektuhan ng Super Typhoon ‘Egay’.

Kabilang dito ang tulong mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD, Department of Agriculture o DA, at Office of the President o OP.

--Ads--

Ang ikalawang Rehiyon ay isa sa mga rehiyon sa Northern Luzon na lubhang naapektuhan ng pananalasa ng Super Typhoon ‘Egay’.

Dahil sa malakas na pag-ulan at malawakang pagbaha ay naapektuhan ng kalamidad ang 250 barangay sa apat na probinsya at 28,666 na pamilya o 95,618 individuals ay mula sa Cagayan.

Ayon sa DSWD Region 2, puspusan na ang relief operations sa lugar sa pamamahagi ng family food packs at non-food items sa mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa kalamidad.

Ang mga sektor ng agrikultura at imprastraktura sa rehiyon ay nakaranas din ng malawak na pinsala.

Ang mga pangrehiyong tanggapan ng DA at Department of Public Works and Highways o DPWH ay nag-ulat ng pagkalugi na 340 milyon pesos hanggang 1.15 bilyon pesos.