Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panunumpa ng 37 bagong promote na heneral at Flag Officers ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong miyerkules, Enero 7, 2026.
Sa naging talumpati ng Punong Ehekutibo, sinabi niyang ang promosyon ng mga heneral ng AFP at ng Philippine Navy ay repleksiyon hindi lamang ng kanilang kakayahang manguna kundi kumpiyansa din sa kanilang pagpapasya sa harap ng pressure at kawalang-katiyakan.
At sa gitna ng nakuhang promosyon, binigyang-diin rin ng Pangulo na ang halaga ng isang tunay na pinuno ay nasusukat sa tamang asal at magandang halimbawa na kaniyang ipinapakita, at hindi sa taas ng kaniyang ranggo.
Sa kabilang dako, kasunod ng nalagdaang pambansang budget kamakailan, hinikayat ng Punong Ehekutibo ang mga sundalo na magkaroon ng partisipasyon sa pagbabantay sa kaban ng bayan.
Sinabi ni Pangulong Marcos na inaasahan ang kasundaluhan na maging mapagkakatiwalaang tagapangasiwa na nagbabantay sa yaman ng bayan at dapat makabilang sa mga nagsisiguro na ang bawat piso ay mapupunta sa dapat nitong puntahan, nang may integridad at makadagdag pa sa kakayahan at kahandaan ng Hukbong Sandatahan.











