Muling itinalaga sa pwesto bilang Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 2 si PBGen. Antonio Marallag Jr. nitong Miyerkules, ika-8 ng Oktubre.
Ang Turnover ceremony ay ginanap sa Camp Marcelo Adduru, Tuguegarao City, Cagayan.
Pinalitan niya sa pwesto si PBGen. Roy Parena na namuno sa PRO 2 sa loob lamang ng dalawang buwan matapos maitalaga noong ika-6 ng Agosto 2025.
Sa talumpati ni PBGen. Parena, sinabi niya na ang kaniyang pagiging Acting Regional Director sa PRO 2 ang pinaka-maikling panunungkulan niya sa isang Unit subalit kahit papaano ay nakatulong naman umano ito upang mapababa ang ilegal na kalakalan ng droga sa Lambak ng Cagayan.
Sa ilalim ng kaniyang pamumuno ay mayroong mga drug pusher ang nahuli sa pamamagitan ng Buy-bust operation at mayroon din aniyang mga sumuko ngunit aminado siya na marami pa ring kailangang tugisin.
Maliban dito ay nabawasan din ng isa ang walong nalalabing miyembro ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley (KRCV) sa tulong ng Philippine Army, at iba pang Law enforcement agency.
Samantala, tiniyak naman ng Regional Director PBGen. Antonio Marallag Jr. na ipagpapatuloy nito ang kaniyang nasimulan noong siya ay unang namuno sa PRO 2.
Aniya, paiigtingin niya ang Four-point agenda ng Philippine National Police kung saan titiyakin nito na lahat ng imbestigasyon ay “data driven” upang matiyak ang maayos na resulta.
Titiyakin din nito mapapangalagaan ng maayos ang well-being ng mga personnel at makatatanggap ng sapat na training upang magampanan ng mga ito ng maayos ang kanilang tungkulin, gayun na rin ang pag-maximize ng kanilang mga resources upang makuha ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng mgaayos nilang pagtatrabaho.
Pinasalamatan din nito ang lahat ng mga nasa sumuporta at patulong na naniniwala sa kanilang kakayahan dahilan upang siya ay muling makabalki bilang Regional Director ng Police Regional Office 2.











